Blind Auditions ng 'The Voice PH' Aarangkada na Ngayong sabado


Share



Aarangkada na ang pinakaabangang singing-reality competition sa telebisyon kung saan pangarap ang puhunan at boses ang labanan ngayong Sabado (June 15) sa pilot telecast ng “The Voice of the Philippines” sa ABS-CBN.

Simula na ng tagisan ng pinakamahuhusay na artists sa bansa at simula na rin ng pinag-uusapan at naiibang Blind Auditions stage kung saan pipili ang coaches na sina Apl de Ap, Sarah Geronimo, Bamboo, at Ms. Lea Salonga ng artists na kanilang ime-mentor sa pamamagitan lang ng pakikinig sa kanilang mga boses. Nakatalikod ang kanilang mga upuan sa sasalang na artist at makikita lamang ang itsura nito kapag tapos na ang kanta o kapag napagdesisyunan nila na kunin ito sa kanilang koponan. Sa pagtatapos ng Blind Auditions kinakailangang makapili ang bawat coach ng 12 artists na mapapabilang sa kanilang teams at uusad sa susunod na rounds ng kumpetisyon— ang Battle Rounds at ang Live Shows.

Inaasahang isa ang “The Voice of the Philippines” na pinangungunahan ng ultimate multimedia star Toni Gonzaga bilang host, sa makakapagpamalas ng pinakamahuhusay na line up ng artists lalo pa’t kilala ang mga Pilipino sa pagiging mahuhusay na mang-aawit. Likas na mahilig ang mga Pinoy sa pagkanta at kadalasan pa ay laman ng mga KTV bar o kalahok sa mga singing competition.

Maging si Philibert Braat, ang international consultant mula sa franchise owner na TALPA, ay kinilala ang husay ng mga Pilipino sa larangan ng pag-awit. “The world knows that Filipinos are the best singers in the world so I think the country really deserves ‘The Voice of the Philippines.’ With the lineup of coaches that the show has, it’s going to be of international standards,” sabi ni Braat.

Samantala, excited naman ang maraming Pilipino sa loob at labas ng bansa para sa “The Voice of the Philippines” lalo na sa online world kung saan bukambibig ang programa sa iba’t ibang social networking sites at pumipili na ng kanya-kanyang pambatong team coaches ang fans. Nag-trend pa kamakailan ang primer nito na “Mic Test: The Voice of the Philippines Primer” sa micro-blogging site na Twitter.

Tiyak mas mapapakapit ang fans sa pag-arangkada ng programa sa Sabado (June 15) kung saan isa-isa nang sasalain ng coaches ang mga artist. Ilan sa mga artist na dapat abangan ay ang rakista dad na gustong baguhin ang kanyang buhay, isang fresh college graduate na may papausbong na talento sa pagkanta, isang dating bokalista ng banda na gustong mapunta sa spotlight, isang Fil-Am working student na gustong magkaroon ng singing career, at balut vendor, taxi driver, at belt vendor na panandaliang isinantabi ang mga trabaho para maging singers.

Sino sa kanila ang makakapagpaharap sa coaches? Sino sa mga coach ang unang makakabuo ng kanyang team? Sino sa mga artist ang nagpaiyak kay coach Sarah Geronimo?

Ang “The Voice” ay isang naiibang singing competition kung saan ang auditions ay ibinabase lang sa boses ng kalahok. Una itong ginawa sa Netherlands noong 2010 at sa loob lang ng tatlong taon ay mahigit 40 bansa na ang nagkaroon ng sarili nilang bersyon ng programa kabilang na ang kilalang US version kung saan naupo bilang coaches ang international stars na sina Christina Aguilera, Adam Levine, Cee Lo Green, Blake Shelton, Shakira, at Usher. Ito ay bukas sa lahat ng artists, propesyunal man na singer o hindi, edad 16 pataas; basta may angking husay sa pag-awit.

Kasama rin sa “The Voice of the Philippines” bilang “V Reporters” sina Robi Domingo at Alex Gonzaga na maghahatid ng updates at sidelights ng show.

Huwag palalampasin ang “The Voice of the Philippines” sa Sabado (June 15), 9 PM, at sa Linggo (June 16), 8:15 PM sa ABS-CBN.

Photo by @thevoiceabscbn


Follow me on Twitter @byxspeaks. Like my Facebook Fan Page

For events and ads, just contact me at thisisbyx.speaks@gmail.com. Thanks for loving my blog! xX

0 Comments

Leave a comment

Related Posts with Thumbnails


LATEST COMMENTS